Author Archive for diwanglaya
Protektado: SECRET
dapithapon
lagi kong nahuhuli
ang sarili kong
nagsisimulang magsulat
nang binabaybay
ang salitang— sapagkat.
sapagkat ikaw at ako ay…
sapagkat ang buhay ay sadyang…
sapagkat patuloy
ang pag-ikot ng mundo
at ang oras
ay di na natin namamalayan.
ayoko nang magpaliwanag.
maski pa, alam nating
may mga nararamdamang
kailangan pa ring sabihin
at kailangang marinig…
huwag na nating harapin.
sa aki’y sapat nang
hayaan na lang
at itikom ang bibig.
di ba’t, wala namang panganib
sa paghihintay?
maski pa, minsan
sa ‘king pagkakahimlay
pinapangarap kong naroon ka
sa ‘king tabi,”sabihin mong
mahal mo ‘ko, maski kunyari lang.“
sa tamis nang ‘yong ngiti,
mapapahaplos ako sa ‘yong pisngi.
malilimot ko ang mga nangangalit
nang ugat sa aking
kamay; na mararamdaman mo
ang galas at kulubot nitong balat.
at sa pagtalukbong
ng balabal, ramdam ko ang iyong
yakap. mapapawi noon
ang lamig na nanuot sa ‘king
mga kasu-kasuan.
wala na’ng badya ng pangangatog
mamaya. payapa akong mahihimbing—
sapagkat.
mga piraso
ang basahan, maski gabi-gabing lab’han
ay basahan pa rin kinaumagahan.
———-
sapagkat sadyang ‘di sapat
ang iyong ngiti’t pagsulyap,
sa alak magpakabagsak;
damhin init nitong wagas.
———-
yun lang.
ang awit ng mga susi
Sa totoo lang
Walang saysay ang lahat
Ng sabihin niya, ko, mo…
Nating lahat.
Kaya’t masnanaisin kong
Pakinggan na lang
Ang kling-kling-kling
Ng mga susi; ng mga susing
Dala-dala ng mamang
Nagpapaikot-ikot
Sa mga pasilyo ng aming gusali
Dahil siya
ang nakakaalam
Ng lahat; ng lahat
Ng katotohanan
Sa mga tanong ng sanlibutan.
Nakikita niya yun
Sa likod ng bawat pinto
Niyang binubuksan.
Isa-isang binubulong
Ng mga hubong
Kuwarto ang mga sagot
Sa kanya
At kinikimkim niyang lahat
Ang mga bagong pulot
Na katotohanan
Habang umaawit
Ang mga susi
Sa pasilyo ng, “kling-kling-kling…
Kling-kling.”
Mabigat ang trabaho
Ng mamang taga-dala ng susi,
Natatapos ang araw nang
Siya’y hapong-hapo
At namumula na ang mga
Daliri na madaling-madali
Sa pagsuksok-pihit ng mga susi
Sa mga nakakandadong pinto.
Kaya’t marahan niyang hinihimas
Ang mga kamay
Bago matulog
At nakikita niya ang ‘yong mukha
Sa isip niya- hahaplusin niya
Ang ‘yong pisngi nang dahan-dahan.
Malaon, susundan niya ang hugis
Ng ‘yong mukha… leeg… balikat…
At napapapikit habang
Maingat niyang pinagagapang
Ang mga daliri
Na parang nagbubuklat
Ang mga sagradong pahina
Ng Bibliya
Mapapausal siya ng– pahinga. Kailangan ko ng pahinga.
Ngunit wala siyang magagawa.
Kinabukasan, muli siyang roronda-
Sa mga pasilyo ng gusali
At muling maririnig
Ng bawat sulok ang kling-kling-kling
Ng mga susi niyang tangan.
Aalingawngaw ang kling-kling-kling
Habang isinisigaw niya
Ang ‘yong pangalan
Sa kanyang isipan.
At sa pagbukas ng bawat pinto,
Kasabay ng pagsilip sa kawalan,
Ibinubulong niya sa hangin ang,
“Nasaan ka?“
Patuloy lulunurin ng
kling-kling-kling
Ang isinisigaw ng damdamin niya.
gulong na bakal
patapos na
ang kalbaryong
ilan daan taon mo nang
tinatahak.
patapos na.
hindi mo ba nakikita?
hayan lang, abot tanaw na.
kaya huwag kang bumigay
pagkat sadyang ganyan lamang
ang buhay.
sabi nga ng ilang masnauna,
ang buhay ay kakambal na
ng walang hanggang pagsubok,
pagdurusa, ng pagkukumahog at
paghahabol sa mga mumunting
sandali ng hayahay, pahinga
ng payapang paghimbing.
kaya’t huwag mawalan
ng pag-asa. hindi ka nag-iisa.
marahil, ito ang dahilan
kung bakit naimbento
ang takbuhan ng mga alagang daga.
gustong makita ng tao
kung paano siyang gumagalaw
sa araw-araw.
umiikot ang munting gulong na bakal
sa bawat mabilis na hakbang ng daga
sa malamig nitong tapakan.
sa ilang pag-ikot, makukuha nito
ang tempo at pabilis nang pabilis
siyang hahakbang, pabilis nang pabilis
hangga’t sa tuluyan nang tumakbo.
masayang panoorin, hindi ba?
masaya. masayang pagmasdan
ang walang bilang na mga hakbang
ng hinihingal nang daga, ng alaga;
siyang napiling nilalang.
walang bilang ang mabilisang paghakbang
sa mga bakal na baitang
pagkat sadyang lupa’t lupa lamang
ang lalapatan–
ang saya.
sige, takbo. sige, habol!
ayan na, malapit na
sa harapan mo ang walang
sintamis na kasaganahan.
abot kamay na ang walang katapusang
kesong maski maghapon mong lantakan.
ilang daang taon na lang, kaya
takbo!
hanggang sa kalawangin na ng pawis mo
ang mga bakal na tapakan
hala!
tunawin ang barikada;
ang malamig na gulong na bakal.
kung nagbibilang ng taon
ang pusong nagmamahal,
ganoon din kaya
ang pusong nag-iisa?
katabi ko sa tren ang isang dalagita;
namumugto ang kanyang
mga mata. bakas pa
ang tulo ng mga luha
sa kanyang pisngi.
hinga. malalim ang kanyang
paghinga.
maya’t maya niyang inilalabas
ang kanyang telepono
sa bag niyang pula;
sa bag niyang pula
na punong-puno ng
damit, libro, panali sa buhok,
mayroon ding sepilyo at mga panyo-
naghakot siya ng panyo.
sa bag niyang yun rin niya isinilid
ang hawak niyang panyong
basang-basa na
ng uhog matapos sagutin
ng mga nagmamadaling daliri
ang mensaheng maaaring nagsasabi
ng, “bahala ka. sige, umalis ka!” o di kaya’y
“tapos na. eto na ‘yun mahal. salamat sa lahat.
thank you. xie xie ni.”
bahagya kong tinignan
ang puno ng kanyang leeg, doon
kung saan nasisilip ang bilis
ng pulso, ang pagtibok
ng puso. dumadagundong
ang malalim na bahaging ‘yon
ng kanyang katawan-
walang patid ang pangangatog
ng kanyang katauhan habang
nagsusumisigaw ang puso niyang
di pa handang
lumisan. nagbibilang…
nagbibilang ng toogdoog-toogdoog
na parang tiktak-tiktak
ng kamay ng kinalawang
nang orasan.
maya-maya pa’y tumunog na naman
ang telepono. parang hudyat
at hayun na,
nasa kamay na niya ang ngatog- ngunit
bigla siyang natigilan…
napapikit ang dalagita.
muli, isang buntong hininga, at sa pagmulat
umaliwalas ang
kanyang mukha. isinilid niya
ang panyong kalalabas pa lang niya kani-kanina
sa bag niyang pula.
bumaba siya sa sumunod na istasyon
waring tangan ang, “patawad na mahal, patawad.
bumalik ka na…”
marahil ganoon.
sandali akong napatanga
sa bilis ng pag-alis niya;
napapikit ako sa kinauupuan.
ramdam ko pa rin ang dagundong
ng kanyang pulso. hinga.
ako’y napabuntong-hininga
at para tuluyang makausad
at limutin ang awit ng damdamin niya
sinubukan kong pinakinggan
ang aking pulso-
inabangan ko ang toogdoog-toogdoog nito
kasabay ng tiktak-tiktak ng relo ko pero
wala.
wala akong narinig
ni bulong.
nasan na ang alarm clock…
You learn about life by the accidents you have, over and over again, and your father is always in your head when that stuff happens. Writing, most of the time, for most people, is an accident and your father is there for that, too. You know, I taught writing for a while and whenever somebody would tell me they were going to write about their dad, I would tell them they might as well go write about killing puppies because neither story was going to work. It just doesn’t work. Your father won’t let it happen.
- Kurt Vonnegut
———-
yun lang.
isang taon na ang nakalipas mula nang ipangako ko sa sarili kong tatapusin ko yung storyang yun, pero sadyang di ko matapos.
birthday na naman ng tatay ko bukas, pero wala pa rin.
hay, tama na naman si Vonnegut.
di ako marunong tumula
dahil ito lang
ang kaya kong isulat,
pagpasensyahan mo na…
hindi ako marunong tumula.
basta lang akong
nagtatala ng mga
bagay na pumapasok
sa ‘king isipan.
nagtatala ng
kung anu-anong nakikita
sa kapaligiran.
di ‘to mahahalangang tala,
di ‘to kapupulutan ng kung ano mang
kaalaman.
ano ba naman:
ang pulumpon ng mga
nagsilagas na buhok sa palikuran;
ang mga gabok sa sulok ng kwarto
na kawangis ng mga nangutim na bulak,
nakakahinayang i-dust pan;
o ang mga sunog na parte ng damuhan
sa gilid ng gusali kong tinutuluyan,
na gawa ng mga gutom na kaluluwa
walang yaong mga halaga, hindi ba?
ang mga yun, singpayak lamang
ng mga ibong naglulundagan
sa loob ng kanilang mga hawla sa kapitbahay, habang
ang ibang ibo’y walang tigil sa paghuni
sa taas ng mga punong nasa gitna ng gubat
ng urbanidad.
marami pa, marami pa akong
nakikita.
marami rin akong naririnig. tulad ng:
mga hangos ng mga nagmamadaling paa
sa istasyon ng tren; mga pulso
sa leeg ng mga humuhuli ng
idlip habang nakatayo sa tren, sa bus,
sa pila sa bilihan ng mami; mga hiyaw
sa mata ng mga taong ilang taon nang
nakikipaghabulan
sa oras,
sa bukas,
sa kani-kanilang pangarap.
kitam. wala ka namang natutunan, diba?
dito kung saan
hinuhuli pati ang
katahimikan, kung saan
di lang tuwa kundi hayahay
na inaasam ang nasa puwitan
ng bawat bote ng beer,
mahirap tumula, kaibigan.
kaya’t pasensya na
kung hanggang ngayon,
di ako marunong tumula.
hindi pa ito ang panahon…
more takda galore!
“tell me will i ever survive…”
-introvoys
———-
para sa aming ikalawang takda, inassign uli kaming gumawa ng sampung maiikling tula. muli, 4 na tanaga, 4 na dalit at 2 awit. sa pagkakataong ito, hindi na ang tugma lang ang dapat naming intindihin habang nagsusulat. kailangan na rin namin siguraduhin na nakasunod ang mga tula namin sa ibinigay na balangkas, tono, at ang pinakamababang uri ng tugma ay pantigan dapat (ang huling kp/pk ng salitang pantugma ay magkaparehas at magkakaparehas na maragsa/malumay/malumi/mabilis ang pagkabigkas).
syempre, marami pa rin akong mali… kasi ang engot, hindi nagreview bago sumulat so nagkahalo-halo yung tugma ng iba (may maragsa na napahalo sa malumay etc.) may dahilan naman ako, ang toxic kasi sa opis netong mga nakaraan dahil may event… (trabaho talaga, istorbo sa workshop), kaya hayun isa lang ata nakapasa
pero ipopost ko na rin miski mali (para may pagtawanan tayong lahat pagdating ng panahon) BWAHAHAHA!
game.
mga tanaga
dahil mapangarap ako, gumawa ako ng isang mahabang tula na binuo ng mga tanaga. dapat dito ang balangkas ay pasuhay. pag pasuhay yung unang line may general statement na susuportahan ng mga susunod na linya ng tula.
Ang bayan kong kawawa
Sa bayan kong kawawa
Marami na ang sawa; (mali kasi mabilis ang “sawa”)
Para kang nasa kawang
Tinututong ng yawa.Sa mga datung piling
Bumibili ng dili—
Bawal kang mananghili.
Bubusalan ‘yong tili.Salubungin ng kalo,
Piliting makihalo!
Kung ayaw mong mapalo’t
Sabihang naglalalo.Pagkat bayan mong mahal
Mga mata’y may tapal,
Inasa na sa dasal
Ang pantubos ng dangal.
actually, di namin chineck ang mga tanaga, kasi zinero na kami ni sir Rio dito
ayaw kasi namin mag-comment sa gawa nung naunang nagbasa… so yan lang ang obvious kong mali ko. kung may nakikita ka pakisabi na lang. hehe (utusan daw ba kita?)
mga dalit
dito naman, dapat patimbang ang balangkas… 2 lang yung napasa ko sa tugma, kaso isa lang yung na-sakto sa patimbang na balangkas… (ang patimbang, may dalawang bagay kang tinitimbang sa saknong) napulaan pa kasi, “bakit yeso yung ginamit mo? pantugma lang ‘to ‘no?” hahaha.
Leksyon
Panganib ay nakaamba (mali)
Sa kanilang mga aba.
Pinili kasing sumamba
Sa pera na dumadamba.Hitik sa pamamarali, (mali)
Pinagbabakasakali
Ang kakaunting pambili;
Sinasagad hanggang huli.Pa’no makakaprogreso (eto lang ang keri)
Kung laging kulang sa Piso?
Marami ka nang atraso,
Upod na lahat ng yeso.Bago malagas ang buhok (pasuysoy dahil sa “pagkat”)
Mag-aral ka nang magsuksok.
Pagkat paggastang mapusok
Tiyak mong ikalulugmok.
eto naman…
mga awit
mali yung una dahil sa tugma
pasuysoy naman ang balangkas na dapat dito. pag pasuysoy ine-inumerate mo yung details/ideas sa mga unang taludtod, tapos sa huling saknong yung generalization. kabalikataran siya ng pasuhay.
ang bigo
Di s’ya mapakali’t lagi nang balisa, (mali)
Dinaluhan na rin ang lahat ng misa.
Kaya sinubukan niyang mapag-isa
Hayun, malamig nang nakita nung pista.Ang akala nila sadya lang s’yang sabik
Pagkat kan’yang irog muli nang nagbalik.
Inihanda na n’yang matamis na halik,
Ngunit nakita ‘tong may ibang katalik.
———-
siguro nagtataka kayo kung bakit ganun ka-particular sa tugma ang bawat takda, ganun talaga… kasi nagsisimula pa lang kami. kailangan pa naming yakapin ang tradisyunal. kailangan munang isapuso ang sukat, AAAA, etc. sabi nga ni sir Mike, kailangan mo munang makulong bago ka lumaya.
and because i can only share so much.
kung gusto nyo talagang matuto tumula sa Filipino;
1.bumili kayo nung libro ni sir Rio, yung Taludtod at Talinhaga (malapit nang magkakaroon nito sa National Bookstore kasi pinapublish pa lang ang bagong ed.) o tignan ninyo sa library ninyo ang mga lumang edition.
2. bumili din kayo ng UP Diksyunaryong Filipino (kasi bukod sa mga ibig sabihin, dun nyo rin malalaman ang tamang bigkas sa mga salita. medyo may kamahalan pero ganun talaga kung gusto ninyong matuto… matagal nyo naman magagamit, pero kung wala talaga kayong anda, yung Viccasan Dictionary ayos na rin daw (actually yun ang gamit ko dahil wala akong P1800 na pambili nung una kong binanggit)
3. masmaganda kung sumali kayo sa palihan next year
kasi marami talaga kayong matututuhan pramis! (gaya nyan, “matututuhan” dapat at hindi “matututunan” sabi ni sir Rio, kasi wala naman daw hulaping -nan)
4. dapat rin alam nyo yung kanta ng Silverchair… yung,”c’mon, abuse me more i like it…” kasi kung bibigay ka kaagad, wag mo nang simulan. bawal din pala ang committed (kumitid ang utak)
———-
tambling!
huwag ka nang mahiya…