Imbak para sa Disyembre, 2008

29
Dis
08

dapithapon

lagi kong nahuhuli
ang sarili kong
nagsisimulang magsulat
nang binabaybay
ang salitang— sapagkat.

sapagkat ikaw at ako ay…
sapagkat ang buhay ay sadyang…
sapagkat patuloy
ang pag-ikot ng mundo
at ang oras
ay di na natin namamalayan.

ayoko nang magpaliwanag.

maski pa, alam nating
may mga nararamdamang
kailangan pa ring sabihin
at kailangang marinig…
huwag na nating harapin.
sa aki’y sapat nang
hayaan na lang
at itikom ang bibig.

di ba’t, wala namang panganib
sa paghihintay?

maski pa, minsan
sa ‘king pagkakahimlay
pinapangarap kong naroon ka
sa ‘king tabi,”sabihin mong
mahal mo ‘ko, maski kunyari lang.

sa tamis nang ‘yong ngiti,
mapapahaplos ako sa ‘yong pisngi.
malilimot ko ang mga nangangalit
nang ugat sa aking
kamay; na mararamdaman mo
ang galas at kulubot nitong balat.
at sa pagtalukbong
ng balabal, ramdam ko ang iyong
yakap. mapapawi noon
ang lamig na nanuot sa ‘king
mga kasu-kasuan.

wala na’ng badya ng pangangatog
mamaya. payapa akong mahihimbing—
sapagkat.