Imbak para sa Oktubre, 2008

07
Okt
08

ang awit ng mga susi

Sa totoo lang
Walang saysay ang lahat
Ng sabihin niya, ko, mo…
Nating lahat.
Kaya’t masnanaisin kong
Pakinggan na lang
Ang kling-kling-kling
Ng mga susi; ng mga susing
Dala-dala ng mamang
Nagpapaikot-ikot
Sa mga pasilyo ng aming gusali
Dahil siya
ang nakakaalam
Ng lahat; ng lahat
Ng katotohanan
Sa mga tanong ng sanlibutan.

Nakikita niya yun
Sa likod ng bawat pinto
Niyang binubuksan.
Isa-isang binubulong
Ng mga hubong
Kuwarto ang mga sagot
Sa kanya
At kinikimkim niyang lahat
Ang mga bagong pulot
Na katotohanan
Habang umaawit
Ang mga susi
Sa pasilyo ng, “kling-kling-kling…
Kling-kling
.”

Mabigat ang trabaho
Ng mamang taga-dala ng susi,
Natatapos ang araw nang
Siya’y hapong-hapo
At namumula na ang mga
Daliri na madaling-madali
Sa pagsuksok-pihit ng mga susi
Sa mga nakakandadong pinto.
Kaya’t marahan niyang hinihimas
Ang mga kamay
Bago matulog

At nakikita niya ang ‘yong mukha
Sa isip niya- hahaplusin niya
Ang ‘yong pisngi nang dahan-dahan.
Malaon, susundan niya ang hugis
Ng ‘yong mukha… leeg… balikat…
At napapapikit habang
Maingat niyang pinagagapang
Ang mga daliri
Na parang nagbubuklat
Ang mga sagradong pahina
Ng Bibliya
Mapapausal siya ng– pahinga. Kailangan ko ng pahinga.
Ngunit wala siyang magagawa.

Kinabukasan, muli siyang roronda-
Sa mga pasilyo ng gusali
At muling maririnig
Ng bawat sulok ang kling-kling-kling
Ng mga susi niyang tangan.
Aalingawngaw ang kling-kling-kling
Habang isinisigaw niya
Ang ‘yong pangalan
Sa kanyang isipan.
At sa pagbukas ng bawat pinto,
Kasabay ng pagsilip sa kawalan,
Ibinubulong niya sa hangin ang,
Nasaan ka?
Patuloy lulunurin ng
kling-kling-kling
Ang isinisigaw ng damdamin niya.

02
Okt
08

gulong na bakal

patapos na
ang kalbaryong
ilan daan taon mo nang
tinatahak.
patapos na.
hindi mo ba nakikita?
hayan lang, abot tanaw na.
kaya huwag kang bumigay
pagkat sadyang ganyan lamang
ang buhay.

sabi nga ng ilang masnauna,
ang buhay ay kakambal na
ng walang hanggang pagsubok,
pagdurusa, ng pagkukumahog at
paghahabol sa mga mumunting
sandali ng hayahay, pahinga
ng payapang paghimbing.
kaya’t huwag mawalan
ng pag-asa. hindi ka nag-iisa.

marahil, ito ang dahilan
kung bakit naimbento
ang takbuhan ng mga alagang daga.
gustong makita ng tao
kung paano siyang gumagalaw
sa araw-araw.

umiikot ang munting gulong na bakal
sa bawat mabilis na hakbang ng daga
sa malamig nitong tapakan.
sa ilang pag-ikot, makukuha nito
ang tempo at pabilis nang pabilis
siyang hahakbang, pabilis nang pabilis
hangga’t sa tuluyan nang tumakbo.

masayang panoorin, hindi ba?
masaya. masayang pagmasdan
ang walang bilang na mga hakbang
ng hinihingal nang daga, ng alaga;
siyang napiling nilalang.
walang bilang ang mabilisang paghakbang
sa mga bakal na baitang
pagkat sadyang lupa’t lupa lamang
ang lalapatan–
ang saya.

sige, takbo. sige, habol!
ayan na, malapit na
sa harapan mo ang walang
sintamis na kasaganahan.
abot kamay na ang walang katapusang
kesong maski maghapon mong lantakan.

ilang daang taon na lang, kaya
takbo!
hanggang sa kalawangin na ng pawis mo
ang mga bakal na tapakan
hala!
tunawin ang barikada;
ang malamig na gulong na bakal.