Imbak para sa Setyembre, 2008

21
Set
08

marunong bang magbilang ang puso?

kung nagbibilang ng taon
ang pusong nagmamahal,
ganoon din kaya
ang pusong nag-iisa?

katabi ko sa tren ang isang dalagita;
namumugto ang kanyang
mga mata. bakas pa
ang tulo ng mga luha
sa kanyang pisngi.
hinga. malalim ang kanyang
paghinga.

maya’t maya niyang inilalabas
ang kanyang telepono
sa bag niyang pula;
sa bag niyang pula
na punong-puno ng
damit, libro, panali sa buhok,
mayroon ding sepilyo at mga panyo-
naghakot siya ng panyo.

sa bag niyang yun rin niya isinilid
ang hawak niyang panyong
basang-basa na
ng uhog matapos sagutin
ng mga nagmamadaling daliri
ang mensaheng maaaring nagsasabi
ng, “bahala ka. sige, umalis ka!” o di kaya’y
“tapos na. eto na ‘yun mahal. salamat sa lahat.
thank you. xie xie ni.”

bahagya kong tinignan
ang puno ng kanyang leeg, doon
kung saan nasisilip ang bilis
ng pulso, ang pagtibok
ng puso. dumadagundong
ang malalim na bahaging ‘yon
ng kanyang katawan-
walang patid ang pangangatog
ng kanyang katauhan habang
nagsusumisigaw ang puso niyang
di pa handang
lumisan.  nagbibilang…
nagbibilang ng toogdoog-toogdoog
na parang tiktak-tiktak
ng kamay ng kinalawang
nang orasan.

maya-maya pa’y tumunog na naman
ang telepono. parang hudyat
at hayun na,
nasa kamay na niya ang ngatog- ngunit
bigla siyang natigilan…

napapikit ang dalagita.
muli, isang buntong hininga, at sa pagmulat
umaliwalas ang
kanyang mukha. isinilid niya
ang panyong kalalabas pa lang niya kani-kanina
sa bag niyang pula.
bumaba siya sa sumunod na istasyon
waring tangan ang, “patawad na mahal, patawad.
bumalik ka na…”

marahil ganoon.

sandali akong napatanga
sa bilis ng pag-alis niya;
napapikit ako sa kinauupuan.
ramdam ko pa rin ang dagundong
ng kanyang pulso. hinga.
ako’y napabuntong-hininga
at para tuluyang makausad
at limutin ang awit ng damdamin niya
sinubukan kong pinakinggan
ang aking pulso-
inabangan ko ang toogdoog-toogdoog nito
kasabay ng tiktak-tiktak ng relo ko pero
wala.
wala akong narinig
ni bulong.