minsan, iniisip ko kung kailan
kita unang nakilala, o kung kailan ko unang
nakilala ang ikaw na iniisip kong ikaw.
hindi ko alam.
hindi ko matandaan.
basta’t ang alam ko’y, matagal na.
maaaring kilala na kita mula pa noong ako’y
isinilang o mula nang malaman kong
darating ang isang araw na makakatagpo ako
ng taong…
nararamdaman mo ba
tuwing binabasa ko nang malakas
ang ‘yong diwa?
tuwing binubuhay ko
ang ‘yong mga guni-guni
sa gitna ng gabi?
oo. hindi ako makatulog.
hindi ako nakakatulog dahil
nakikita kita.
nakikita kita, gabi-gabi,
sa gitna ng isang tahimik na kalye.
doon kung saan nagsilagas
ang mga dahon ng sampaloc (o sampaloc nga ba ang punong iyon?).
nakatingala, nakangiti, naliligo sa liwanag
ng bilog na buwan.
gusto kitang lapitan,
at alukin ng hawak kong beer.
gusto kitang ayaing maupo
sa bangketa at kausapin
habang pinapanood
ang sayaw ng mga tuyong dahon
sa ihip ng hangin, tignan mo,
maliliit na ipo-ipo.
gusto kong malaman
kung anong pakiramdam
na makausap ka,
na malunod sa bukal ng ‘yong
diwa.
buhayin natin ang ‘yong
mga guni-guni.
gusto kitang lapitan,
ngunit sa tuwing umaamba nang
pahakbang, naalimpungatan ako
ng tilaok ng mga tandang.
umaga na.
huwag ka nang mahiya…