Imbak para sa Mayo, 2008

21
May
08

ang ‘yong ulang,

… because she’s your lobster.

 

-Phoebe Buffay
FRIENDS
 
 
 
dahil hindi mo kaya
na mabuhay mag-isa
sasamahan kita.

sasamahan kita,
para hindi ka mangulila.
sasamahan kita
sa kuwarto,
dahil ‘di ka makatulog
maski alas-tres na ng umaga.
dahil hindi ka makatulog
nang walang humahaplos sa’yong
likuran…
nang walang humehele sa’yong tagiliran.
tulog na mahal, tulog na.

sasamahan kita,
nang ‘di mo na kailangang
mag-alala,
nang ‘di mo na kailangang mag-isip.
sasamahan kita,
kaya’t mga mata’y
ipikit na.

kaunting oras na lang
at hayan na naman ang umaga,
nagbabadya…
pero huwag kang mag-alala,
narito lang ako sa tabi mo.

pikit na.

sa muli mong pagdilat,
sasalubungin ka ng araw
at ng sikat niyang
ubod ng liwanag.
mainit kang yayakapin.

at ako, sa ‘yong tabi
nakangiti sa ‘king pagkakahimbing,

dahil wala na sila- ang mga bangungot
-napawi nang lahat ng mga haplos.
wala nang hikbi,
nalunod nang lahat ng
tulog na mahal, tulog na.

hindi ka na mapapa-buntong hininga.
ngayon, kaya mo na.
kaya mo nang mag-isa.
sige, harapin mo nang muli
ang mundo.

tahimik, maaari ka nang
lumabas ng kwarto.

02
May
08

dahilan

sabihin natin na mahilig ka sa pusa. na naniniwala kang pusa ka sa nakaraan mong buhay, o ang mga pusang gumagala ang kaluluwa ng mga mahal mong matagal nang sumakabilang-buhay.  o makapangyarihan ang mga pusa; na nililigtas nila ang mga kamag-anak mong malapit nang pumanaw, na inaalay ng pusang may siyam na buhay ang isa nilang buhay para muling sumigla at ‘di matuluyan ang mahal mong malapit nang lagutan.  kaya mula bata pa lang, nag-uuwi ka na ng mga ligaw na kuting ng lansangan. at dahil kagagalitan ng nanay, dahil sa ‘yong hika, patago mong ipinapasok ang bagong uwing kuting sa bakanteng kwarto ng bahay ninyo. sa kuwartong ‘yon, maya’t maya mo siyang binabalikan ‘pag wala kang pasok, tulad ngayong bakasyon, dinadalhan mo ang kuting ng pagkain, gatas (kasi gano’n sa TV), at lumang unan para gawin niyang higaan. sabihin nating ang kuting na napulot mo’y higit pa sa gusgusin, naglalagas ang balahibo. aalagaan mo ‘to hangga’t sa gumaling, tumaba, lumusog. pero isang araw, pagkadungaw mo sa kwartong pinagtaguan, lumayas na pala siya. makalipas ang ilang buwan, makikita mo muling pagala-gala sa kabilang eskinita. nakakalbo na naman. hindi. hindi lang siya nakakalbo, puno na rin ng sugat, peklat at kuto. naghihingalo… kukupkupin mo siyang muli. muli, maya’t maya mo siyang sisilipin sa bakanteng kwarto ng bahay ninyo para; pakainin, laruin, amu-amuin. lalakas at lulusog siyang muli. at muli, makakalabas ng kwarto isang araw na inutusan ka ng nanay mong lumabas. sa pagkakataong ito, hindi lalabas ng bahay ang alaga… mapupunta siya sa kusina, kung saan naroon ang tilapia- ang tilapiang inutang pa sa talipapa- na iniwan ng nanay mo para palambutin . lilimasin ‘yong lahat ng ‘yong ‘alaga’. malalaman ngayon ng ‘yong inang nagpuslit ka ng pusakal sa bahay. babambuhin ka niya pagdating mo galing sa pagtitinda ng kalamay. maga ang puwit at luhaan ang matang singkit na singkit, muli mong ipupuslit ang alagang mandaranggit. sabihin na lang natin, mahilig ka talaga sa pusa.