mahal kong pempal,
iniisip ko kung anong mangyayari kapag nagkita tayo. agad kaya nating makikilala ang isa’t isa? lalapitan ba kita, o ikaw ang pupunta sa kinaroroonan ko? magkakamayan ba tayo tulad ng mga magkababata, at mababakas ba sa ‘ting mga mata ang tuwa habang nagpapalitan ng, kumusta ka?
saan? kailan? ba’t hindi ngayon? napakarami kong tanong.
masasabi ko kaya sa’yong, naantig ang damdamin ko noong unang nabasa ang sinulat mo. oo, totoo. gusto ko ring malaman kung tunay ngang ang panaghoy na lang ng mundo ang tunay na nakakapagpaligaya sa’yo sa mga panahong ito. ibig ba sabihin’y ‘di ka masaya sa mga sandaling ito, ihahabol ko.
natatakot ako. natatakot akong malaman ang totoo. natatakot ako malamang hindi ikaw ang ikaw na iniisip kong ikaw. ikaw… natatakot rin ba? o walang puwang ang salitang “takot” sa bokabularyo mo? napakarami na namang tanong. siguro nga’y sadyang mapupuno ng tanong ang pagtatagpong ‘yon. maaari ring hindi. maaaring ‘di magtagpo ang mga mata natin sa tamang sandaling naroroon tayo sa isang lugar, sa isang pagkakataon. ‘di kaya’y parehas tayong nakamaskara sa nasabing pagtitipon at sadyang ‘di makilala ang isa’t isa. malaki rin ang posibilidad na kailanma’y ‘di tayo pagtagpuin ng tadhana… parang sa mga telenobela, hindi ba?
sa kabilang banda, maaari rin naman na sakaling magkrus ang ating landas ay madali kitang makilala. pagpasok mo pa lang ng pinto’y makikita na kita. hihintayin kong magtagpo ang ating paningin. alam kong sa sandaling ‘yo’y hihinto ang lahat, parang sa mga pelikula, at malulunod ng tinginan natin ang ingay ng paligid. sabay tayong mapapangiti’t tutungo nang kaunti, wari’y pabulong na isinisigaw ang, kumusta! heto ako’t, ‘yan ka. nasagot na natin ang “saan? at kailan?”
bahagya akong mapapatayo sa sulok kong kinauupuan, binubulong ng puso kong: kaunting hakbang na lang at mapapatunayan kong tunay ka nga… hindi kathang isip lang. ayan ka sa ‘king harapan, hindi na abot-langit. sa wakas! lalapitan na kita… hanggang sa makita ko ang mahigpit mong pagkakahawak sa kamay ng ‘yong kasama.
pempal, tama ang sinabi mo noong nakaraan, “minsan, masmabuti nang hindi masyadong nag-iisip.”
nagmamahal,
x
huwag ka nang mahiya…