Imbak para sa Marso, 2008

24
Mar
08

paglampas sa nirvana

binuzz ako ni jeck nung isang linggo… nagpapagawa siya ng tula. hindi ko alam kung ba’t ako. hello naman diba! bat ako? bat ako e wala naman akong kredebilidad sa mga ganyang ka-chorvahan. grabe, nag-flashback na naman ang lahat ng insecure, self-pity dialogs ko kaya para lang masabing triny ko, nagsulat ako.

may visuals siyang binigay. ito ang ilan;

  • Babaeng nakahiga sa shore
  • Tumatakbo shore
  • Babaeng naglalakad sa hi way nakayapak
  • Babaeng may kausap na foreigner nilalandi niya ito aakalain mong magkasintahan ito
  • Masayang naglalakad sa Luneta holding hands pa
  • Sumisigaw habang naiyak sa isang squatter area
  • Shot ng tiyan ng babae na sinusuntok
  • Batang naglalaro sa park
  • Babaeng nasa merry go round tumatawa

eto ang “tulang” nagawa ko;

paglampas sa nirvana

inulan ka na ba
ng walang katapusang alaala
at nagising isang umaga
nang pati sarili’y
‘di na kilala?

hindi ba’t bigla na lang
nagdilim ang langit
at naging masukal ang paligid?
kumapal ang hangin
kinailangan mong pigilin
ang paghinga ng malalim.

sumikip ang mundo.
sumisikip ang mundo,
maski malayo pa
ang tanaw mo.
itim na ang sahig,
puno ng nagsilagas mong buhok
at bigla kang napahiyaw ng,
“pakawalan mo ako!”
pero unti-unti iyong nalunod
sa kawalang binabaha ng,
hindi ko na kaya, hindi ko na kaya,
gusto ko nang mawala…”

nakalimutan mo na ba
ang umagang natanaw mo
ang liwanag, Ligaya?
kumikislap, kumikinang.
punung-puno,
punung-puno,
punung-puno ng pag-asa.
balikan mo, Ligaya.

sabi mo’y ‘di yon
kailanman malilimutan
ang cloud nine; malambot, puting-puti
sa’yong paanan.
“hindi lang ito dapat tapak-tapakan,
halina’t higaan at pagdausan ng hayahay magpasawalang hanggan.”

“aahhhhhh… i do, i do, i do…
oooohhhh, i do, i do.”

punung-puno ng pag-asa,
nagpaka-anod ka…
nabulag, lumampas sa nirvana.
tama bang magulat pa
sa paggising isang umagang
sarili’y ‘di na kilala?

punung-puno… punung-puno… punung-puno…
punung-puno, punung-puno.

04
Mar
08

ok lang ba?

may isa pa akong blog… yung dLr.  oo, yung feed sa gilid. hehe :)   halu-halo ang laman nyan.  as in, kung anu-ano lang.  may mga kwento rin dyan kaya naisip ko, para magkalaman ang blog na ‘to (kasi naman, di ako makapagsulat lagi) isa-scan ko yung isa kong blog at ire-repost dito yung mga matinong kwento (o miski yung medyo matino lang).

ano sa tingin nyo?  nonsense ba o ayos?

04
Mar
08

experiment #2:bored to death (tagalog ver. hehe)

susubukan kong magsulat katulad ng karaniwang kabataan ngayon…

game.

———-

hi poh! kmuzta na poh keyo deyn? medjo tagal n-qu d post ditoh noh, kze jaz so tamadz. jejeje. truth nyan poh kze 4 d past weeknahaf av bin zo petiks galore lang ditoh sa opiz en parang ayaw lang gumana ng brilliant mindz u know!!! jejeje. az in supah wala lang aq task ditoh kaze dormant na poh yung accountz qu. az in sooo kabaliktaran lang nung last xmas kze az in supah busy aq nown, late 4ever na uwi… ngayown az in nuthin’, nada, zilch. LOLZ!!!

zo yown. zupah wazak lang talaga!!! last week, try lang aq pabuzy za facebook. u know, kze medyo kakajoin qu pa lang dun. taz nag-add aq ng fluff application so kewl!!! may tigyr na qu dun and so many fluffmini friendz na din. supah seya lang poh! katuwa lang poh talaga D keya guztoh qu lang share. jejeje. kazo after jaz mga 2 dayz of buzy-buzyhan sa facebook, ayowko na… so dun nagstart tong dilemma qu ngayon.

rili got nuthin’ ta do lang talaga. inis! i even tried readin’ magz pero ganown pa rin. boredz talaga. tapoz everyone i know so very buzy lang talaga so can’t chat wid the crew din. argh!

so hard kaya toh noh. pretendin ur soo busy when u have nuthin’ to do talga. mahirap pumetikz huh!!! kaya last nyt i sed, “nufa this!” kaya hir na me now, jaz tryin ta test myselph kung kakayanin qu ba toh. jejeje. kze ac2lly naiiniz talaga qu s mga ganitoh pag nababaza ko za commentz za friendster or za textz. jejeje. dibah! graveh lang sa papansin noh! like yuck lang talaga noh. ayan, azar na me sa gawa ko. jejejeje. stop na me hir kze la rin help e.

———-

pak dat shit!

kailan pa natutong magsulat-retarded ang mga ‘tao’?

04
Mar
08

ang puting lobo

March 1 (Sabado) — Papuntang Alabang, huminto ang jeep na sinasakyan ko sa Tunasan. Nag-abang ng pasahero ang tsuper sa tapat ng Mercury Drug. Habang nakahinto ang jeep, pinagmasdan ko ang mag-inang nakatambay sa gilid ng Mercury, sa gilid na malapit sa mga litsunan.Nakatanghod ang ina. Marahil naghihintay ng limos sa mga nagsisidaan o ‘di kaya hinihintay ang paglapit ng asawa niyang pumapapel bilang dispatser sa gilid ng kalsada. Naghihintay siya ng pira-pirasong barya na ipambibili ng hapunan mamaya. Ang anak naman ay naglalaro sa ‘di kalayuan. Pilit inaaliw ng bata ang sarili sa maliliit na batong napulot nito; pinaglalaruan niya ang mga batong iyon ng parang mga holen.

Siguro umaga pa lang nakapirmi na ang mag-ina roon. Alas-kwatro y medya na ng mga oras na ‘yon, marungis na ang bata. Pansin ring kumportable siya sa lugar dahil kung makasalampak siya sa sahig ay ganoon na lang. Malamang malimit sila do’n ng kanyang ina… hindi malayong araw-araw silang nandon sa sulok na ‘yon ng Muntinlupa.

Maya-maya, may lalaking lumapit sa bata. Isang lalaking may dalang tatlong lobo; pink, blue, puti. Ang mga lobong ‘yon ay ang uring hindi lumilipad. Hindi ‘yon nakakabit sa puting pisi na pag nabitawan ay mabilis na bumubulusok pataas hanggang sa tuluyan nang ‘di maabot miski ng pinakamatangkad mong tiyuhin. Hindi ‘yon ang lobong unti-unting lumiliit sa ‘yong paning habang tuloy-tuloy sa pag-angat sa himpapawid hanggang sa mawala at iisipin mong, “wala na. may tumuka sigurong ibon na ‘di ko rin maaninag sa langit dahil sa nagkalat na ulap.” Hindi yon. Ang mga lobong dala ng mama ay ang mga nakakabit sa stick. Masmadaling hawakan.

Nagulat ako ng biglang iabot ng mama ang puting lobo sa batang madungis. Nung una, tinignan ko kung marungis din siya. Baka kuya, tiyo, o ninong niya… Pero isang tingin pa lang alam ko nang hindi siya miski ano sa mga yon sa bata. Nakabihis ng magara ang mama. Ilang segundo lang nakita ko ang pamilya nitong nakasunod pala sa kanya. Ang nanay buhat ang bunso nilang babae at may akay-akay na batang lalaking nakakapit sa dulo ng blouse niya. Galing sila sa loob ng Mercury. Siguro galing din sila sa handaan, tapos bago tuluyang umuwi may binili sa loob ng drugstore. Siguro rin, ilang minuto nang pinapanood ng mama ang batang nasa labas na naglalaro ng mga bato, at para bigyan ng maskaaya-ayang pagkaka-abalahan, binigay niya rito ang extra nilang lobo. Ang bait naman nila.

Nagulat rin ang bata sa mama, pero walang pasubali niyang kinuha ang puting lobo at sinuklian ang nagbigay ng matamis na ngiti. Niyakap ng bata ang bago niyang laruan. Napangiti rin ng tuluyan ang mama, bago kinuha ang panganay mula sa blouse ng asawa at tuluyang naglakad papunta sa paradahan ng tricycle.

“Nay, o!” pinakita ng bata ang puting lobo sa kanyang ina na nakatanghod pa rin sa kanyang pwesto. Agad-agad tinanggal ng bata ang lobo sa stick at initsa ito sa ere na parang bola. Itsa-sambot, itsa-sambot, ‘di magkamaliw ang bata sa paglalaro. Itsa-takbo-sambot, itsa-takbo-sambot… ‘di mo aakalaing kaya niyang magligalig ng ganoon. Walang ngawit ang bata sa pagtingala, at sa pag-aabang para di umabot sa lupa ang kanyang puting lobo.

Siguro naisip niyang masmasaya kung masmalayo ang tatakbuhin niya bago sambutin ang lobong ginawang bola. Initsa niya ito ng pagkalakas-lakas. Hinangin ang lobo papalayo. Dali-daling tumakbo ang bata hanggang sa umabot siya sa kabilang dulo ng Mercury. Unti-unting bumaba ang lobo pero imbis na masambot ito ng ayos ng bata, muli itong umangat. Hayu’t papalapit na ang lobo sa parte ng sidewalk na maraming nagkalat na bato… dun sa parteng may dinemolish na poste ang MMDA nung mga nakaraang buwan (na hanggang ngayon ay ‘di pa naiimis).

Hinabol ng bata ang lobo, di alintana ang mga nakausling kabilya sa gitna ng batuhan. Pilit niyang inunat ang mga braso para abutin ang lobo na halos sayad na sa matutulis na kanto ng mga bato. Hay salamat… lapat na ang dulo ng mga daliri niya sa bagong laruan. Kaunti na lang toto, kontrolin mo ang mumunti mong daliri para masapo mo ng husto ang lobo.

Siguro masyado pang maliit ang mga daliri ng bata, dahil nung umihip ang hangin nakawalang muli ang lobo at…

toink… toink… POOOHK!!!

Nawala nang parang bula ang puting lobo sa batuhan. Napatalungko ang bata sa pinakataas na baitang ng hagdan ng Mercury Drug. Ang mamang nakatambay sa gilid na ‘yon ng Mercury, na kanina’y nakatalikod, napatingin sa pinagmulan ng tunog, pero ‘di mawari kung ano nga ba ang sumabog.

Dahan-dahang tumayo ang bata, napakamot-ulo at patakbong bumalik sa kanyang ina. “Nay…” dismayado siya, pero alam kong ‘di siya iiyak.

Mga anim hanggang walong tao na ang paisa-isang sumakay sa jeep habang nakatigil kami sa tapat ng drugstore. Naghanda nang umarangkada si manong. Naisip ko, ang bata at ang puting lobo, parang ako at ang dalawang linggo kong sweldo.