ano yon?
ahhh… akala ko may sinasabi ka. kanina ko pa kasi nararamdaman na may gusto kang sabihin sa ‘kin e. akala ko lang pala. haha! kanina pa tayo paikot-ikot dito. medyo napapagod na ko, pero ok lang… tutal minsan ka lang naman mag-aya. pero, saan ba talaga tayo pupunta? tara, kape na muna tayo.
hmmm… ang sarap ano! nakapunta ka na ba dito dati? ako kasi ngayon lang… *sips* o ayan. ano na? go! sabihin mo na. parang sobrang seryoso naman ng sasabihin mo, kinakabahan ako. kita mo, nangangatog ang mga kamay ko. hindi biro lang.
pero tignan mo o, nangangatog nga… haha! hindi ko alam kung bakit ganito tong mga kamay ko… ‘di ko mapigilan. hindi na ko nagbibiro. sabi nila dahil daw sa kaka-yosi ‘to, pero hindi naman ‘to ganito lagi e. minsan lang. ilalapag ko na nga muna tong tasa at baka mabasag ko pa. wala tayong pambayad.
dali na kasi, huwag ka na mahiya. ano bang pumipigil sa’yo?
natatakot ka. natatakot ka? natatakot ka sa ‘kin?!!? bakit? hindi ko maintindihan. di mo pa nga nasisimulan natatakot ka na. alam kong malaki ang braso ko pero di naman kita sasaktan no. bakit ko naman gagawin sa’yo yon? wala naman akong karapatan na gawin yon sa’yo. tsaka puro taba lang yan, walang muscle… wag kang mag-alala. sige na, sabihin mo na, pakikinggan naman kita e.
ano ba, lampas isang oras na tayo dito. hay, mauubos na’t malamig na ang kape ko ganyan ka pa rin. bakit pilit mong iniiba ang usapan natin? natatakot ka pa rin. natatakot kang ‘di ko maintindihan ang sasabihin mo. sus! para mo naman sinabing sobrang dim-witted ko niyan. ahh hindi, natatakot ka lang na balewalain ko ang matagal mo nang pinag-iisipan at paulit-ulit na tinitimbang sa isip mo. bakit ko naman gagawin yon diba. kung ganiyan kahalaga yan, ba’t ko babalewalain. ano?!!? natatakot kang itaboy kita?!!? hahaha!!! ano ka ba? sabihin mo na nga kasi. paano natin malalaman ang solusyon sa dilemma mo kung ‘di natin pag-uusapan… hindi ka ba nagsasawa sa takot na yan?
sus! tara na nga. nakakahiya nang tumambay dito. ayan, paparami na ang mga dumadating na tao. mamaya sabihin ng waiter dito pa tayo nag-aksaya ng oras e tig-isang tasang kape lang naman ang inorder natin. tara na. o, saan na tayo pupunta, nakapag-isip ka na ba? may sigurado na ba tayong destinasyon ngayon o wala pa rin? bahala na kung saan tayo dalhin ng mga paa natin… ok, tara.
nakakainis ka… paano ko malalaman kung magagawan natin ng paraan ang gusto mong mangyari kung hindi mo sasabihin sa ‘kin. tara nga sa quiapo. daan tayo dun sa mga manghuhula sa tapat ng simbahan. dun na lang ako magtatanong kung ano ang nasa isip mo kasi hindi ko naman kayang hulaan yan no! ano game ka? mura lang naman siguro yun e.
ano, ayaw mo pa rin magsalita?
sige na, uwi na ko. ginagabi na tayo. umuwi ka na rin kasi may pasok ka pa bukas diba? matagal ka na namang hindi magpapakita, ano? so ganito na lang. natatakot ka, so ganon na lang. ay siya… alam mo, walang mangyayari sa atin kung magpapakiramdaman lang tayo ng ganito.
dali na, sabihin mo na…
ano yon?
huwag ka nang mahiya…