bakit ba tayo nandirito?
hindi ko maintindihan
kung bakit ‘di matahimik?
patuloy lang tayong naglakad.
may isang malaking
nakahambalang na dingding
ilang hakbang na lang
sa harap natin
‘hindi na tayo makakapagpatuloy pa
ang pagbaybay imposible na.’
‘hindi puwedeng ganito,’ sabi mo
‘paano na ako?’
hindi ako makasagot. pero paulit-ulit
sa utak ko; ‘ako ba, inisip mo?’
hindi ako nakapagsalita ng ilang sandali, pinipilit
huwag mag-isip,
huwag intindihin ang dahilan kung bakit
ganito na ang eksena
maliwanag pa
pero balot ng dilim ang lahat
unti-unting sumisikip
ang paligid
isinigaw ko ang pangalan mo
sa isip ko.
dati rati, iniisip ko pa lang sambitin ‘yon
alam mo nang kailangan kita
ngunit sa pagkakataong ito
sadyang di mo na ako
narinig
patuloy akong sumigaw nang sumigaw
hanggang sa tuluyan nang tumulo ang butil-butil
na luha sa aking mga pisnging nagliliyab na
ang dingding na harang
ay di lang pala nasa harapan ng kalyeng
pilit nating binabaybay
hinanap kita, patuloy akong
paulit-ulit
sa aking litanya
ipinikit ko ang aking mga mata
wari’y dasal na kung sambitin
ang pangalan mo
pero matagal ka na palang
wala sa aking tabi
naramdaman kong naroon ka pala
doon sa kabilang dako ng dingding
na unti-unting
lumulukob sa akin.
may isang salitang
lumitaw sa mata ng aking isip…
‘paalam’
huwag ka nang mahiya…